Bakit ganon? Ako lang ba ito? Bakit lagi akong nasasabihan ng, “Feeling ko, mapapangasawa mo foreigner”, o kaya naman, “Bagay sa iyo foreigner”. Bakeeet? Meron bang nakapaskil sa noo ko na “For export”? Gusto ko for local consumption ako!
Kung ang iba, napipikon sa mga hirit na, “Hayaan mo, dadating din yan”. Ako hindi, sanay na ako dyan. Natutunan ko nang deadmahin. Pasok sa isang tenga, labas sa kabila. Pero ang magandang trick dyan, sabihin mo, “Oo naman, dadating talaga sya.” Sabayan mo pa ng sweetest smile mo, tignan mo, winner talaga! Hindi ka na nila gagambalain, promise!
Back to foreigners. Hindi naman ako racist, of course not! Hindi din naman sa kinamumuhian ko ang ibang lahi. Pero sadya lang talaga na love ko ang mga Pinoy. Masyado ko yatang na-internalize ang lesson ko nung elementary – Love your own, Pinoy First. Kaya heto ako ngayon, nagpupumilit na gusto ko ang pinoy!
Hindi ko mawari kung maiinis ako, mapipikon, o maaaliw sa mga ganitong hirit, na foreigner ang bagay sa akin. Ilang tao na ang naringgan ko ng ganyang hirit – kaibigan, kamag-anak, kaaway, kaopisina, dating boyfriend. Bakit ba? Wala ba akong karapatang lumigaya sa isang Pinoy? Bakit kailangang foreigner? Ayoko nga! Ang kulit ng lahi nyo!
Hindi nyo ba napapansin, kapag ang isang babae ay umabot na sa past 30s, na wala pa ding asawa, o hindi pa engaged to be married, sinasabi ng karamihan, “Foreigner ang magiging boyfriend nya.” Arghhh! Parang ang ibig sabihin, dahil huli na sa byahe, wala nang magkakagustong Pinoy, at mga foreigners na lang ang kayang mag-handle ng relasyon sa isang mature (and mind you, phenomenal) woman like me. Napakababa naman ng tingin natin sa mga Pinoy kung ganon, tsk tsk. At napaka-swerte naman ng mga foreigners. Ang mga Pinay na naglaan ng oras para magtrabaho, i-develop and sarili at maging mature at independent, ay hindi makakasama ng mga Pinoy, kundi ng mga foreign-germs! Ang mga banyaga na walang alam sa ating kultura, pagkatao at pag-iisip. Tsk tsk, kaawa-awang mga Pinoy.
Pero syempre, meron naman na by choice ang pagkakaroon nila ng jowang foreign-germ. Napakadaming rason ang narinig ko – para maputi ang anak, para matangos ang ilong ng baby, para makapunta sa States, para magka-green card, I’m in love. At nire-respeto ko ang lahat ng iyan. Pero yun nga, choice talaga kasi ang pagpasok sa kahit ano mang relasyon. And my choice is… Pinoy or Bust!
Bakit nga ba ayoko sa foreigner? Hmmm… let me count the reasons. Una, napaka-komportable ko sa tagalog. Isipin nyo na lang, pag galit na galit ako, mas masarap pa ding magmura sa tagalog! Mas masarap mag kwento at humirit. Napaka-importante sa akin ng conversations. How can I have a really deep, intense and meaningful conversation when I can’t fully express myself? At saka baka kasi maubusan ako ng ingles, eh magkapikunan lang kami, at later on, baka mag sign language na lang kami hahaha!
Pangalawa, sa Pilipinas ko gustong tumanda. Pag foreigner ang magiging partner ko, may possibility na hindi dito manirahan. Mami-miss ko ang traffic, bagoong, chippy at lucky me instant pancit canton. Ayoko! Pangatlo… ahhhh… hmmm… wala na akong maisip. Pero I think the 2 reasons would suffice.
Sige, challenge me. Tanungin mo sa akin, pano pag wala talagang Pinoy na bagay sa akin? Basta eto lang, first choice ko Pinoy. Second choice ko, Pinoy pa din. Third, fourth and fifth, Pinoy! In short, pag sobrang tagtuyot na dito sa Pilipinas, I will accede that it’s time to explore other islands. Pero sana lang, kung hindi Pinoy, Brazilian ang gusto ko. Bakit? Basta! I have my reasons hehehe.
Pero yun nga, ang sabi ng mga matanda, kung sino ang ayaw mo, yun ang mapupunta sa iyo. Kaya ngayon pa lang, gusto kong sabihin na “I hate Pinoys!”.
7:45 pm
29 April 2006
Saturday
Sorsogon City, Sorsogon